Mula sa mayamang lupain ng Mindanao sumibol ang lahi ng mga lumad na kung saan pinanday ng panahon ang makulay na kultura, mayamang kasaysayan at hitik na paniniwala’t tradisyon. Isang lahing iginuhit ang kagalingan sa larangan ng pamumuhay at agrikultura. At isang lahi, na may malaking ambag sa kayabungan ng pagkakakilanlang Pilipino noon at magpasahanggang ngayon.
Sa kabalintunaan, mula sa pinaghalo-halong diwa at ideolohiya, partikular na sa larangan ng pulitika, ang tahimik at payapang pamumuhay ng lahing lumad ay nabahiran ng kaguluhan. Hindi maitatanggi, na dahil sa interest at pagkaganid ay nauwi sa kararumaldumal na kalagayan ang lahing minsan nang nagtala ng kagalingan sa kasaysayan.
Ang mga paaralan ay sinunog, mga guro’t pinuno ay walang awang pinatay at nilapastangan. Tila baga, kinalimutan ang karapatang pantao, ang paggalang ay walang espasyo at maging buhay ay walang halaga. Dahil sa walang habas at patuloy na paghamak sa mga lumad, hindi maitatanggi na ang kaguluhan at kawalang hustisya ay naghahari na sa ating lipunan.
Sa katunayan, dahil sa umiigting na pangyayaring ito, walang magawa ang mga minorya upang ipaglaban ang kanilang karapatan at bawiin ang kanilang mga ari-arian. Ang pahinang ito, ay naglalayong makiisa at makisama sa laban ng ating mga kapatid na lumad na makamit ang kapayapaan at katahimikan.
Gayunpaman, ninanais naming manawagan sa bawat mamamayan na tumayo at tumindig para sa kabutihan at ipaglaban ang nasa laylayan ng lipunan. Hinihikayat namin ang lahat na makiisa upang matamasa ng ating mga kapatid na lumad ang kanilang inaasam-asam na kapayaan. Tayo na’t magkapit-bisig upang supilin ang naghaharing ideolohiya, sama-sama nating tapikin ang ating pamahalaan, upang bigyang pansin ang suliranin ng bayan lalung-lalo na sa ating pambansang minorya. Ito na ang oras upang magkaisa para sa ikabubuti ng bayan. Kapayapaan at Karapatan para sa mga Lumad!